Saturday, February 25, 2012

Manliligaw

KUNG hindi nagkakamali si Alicia sampung beses na niyang binasted si Kardo, ang pinakamasugid at pinakamakulit niyang manliligaw, subalit patuloy pa rin itong nanunuyo sa kanya. Kumukulo na tuloy ang dugo niya rito. Pakiramdam niya kasi’y inaasar na siya nito.

“Magandang gabi sa’yo…,” magalang na magalang nitong sabi sabay yukod sa kanya ng pumasok sa kanilang bahay. As usual, para umakyat na naman ng ligaw. Pormal na pormal ang suot nitong barong tagalog at itim na slacks. Makintab na makintab din ang itim nitong sapatos. Ang buhok nitong makapal at itim na itim ay tinapalan ng pagkakapal-kapal na pomada.

“Walang maganda sa gabi lalo’t ikaw ang aking makikita,” pasuplada niyang sabi dito.

“Para sa’yo…”

Iniabot nito sa kanya ang dala nitong kahon ng tsokolate. Nips lamang iyon. Tulad niya’y galing din ito sa maralitang pamilya. Ito at ang Itay niya ay parehong magsasaka.

Hindi niya gustong tumanda at mamatay ng mahirap kaya naman ang numero unong kuwalipikasyon niya sa pagpili ng boyfriend ay mayaman. She wanted the best for herself, kaya naman ang mga may datung na manliligaw lang niya ang pinapakitahan niya ng magandang-asal. Ang mga katulad kasi ni Kardo ay gusto na niyang pahintuin sa panliligaw dahil kahit ano naman ang gawin ng mga ito’y hindi makakamit ang matamis niyang ‘oo’.

Palibhasa sa bayan ng San Pablo, Laguna siya ang pinakamaganda at pinaka-seksi kaya naman marami ang nanliligaw sa kanya. Guwapo man o pangit. Mayaman man o mahirap.

“Ayokong tanggapin ang nips mo,” nakaingos niyang sabi dito. Bahagya lamang niyang tinapunan ng tingin ang maliit na kahon nitong hawak.

“B-bakit?”

“Dahil ayokong umasa ka pa,” aniyang mariin ang bawat katagang kanyang binigkas. “Isa pa hindi ako kumakain ng mumurahing tsokolate.”

Wala siyang pakialam kung napahiya man niya ito sa kanyang sinabi at nagngangalit ang bagang nito. Mas gusto nga niyang mawalan na ito ng lakas ng loob na tumuntong muli sa kanilang bahay.

“Ganoon ba?” mangiyak-ngiyak nitong tanong.

“Oo. Kaya huwag ka ng mag-aksaya ng barya dahil hindi ko naman kakainin iyan,” buong kasupladuhan niyang sabi. Pagkunwa’y humigab siya. “Sige, maiwan na kita diyan. Inaantok na ako.”

“Ano bang kailangan kong gawin para ibigin mo ako?” tanong nito kaya’t napahinto siya sa paghakbang.

Nilingon naman niya ito bago niya ibinulalas ang katagang, “Wala.”

“Bakit, dahil mahirap lang ako?” nagdaramdam nitong tanong.

“Hindi lang iyon.”

“Ano pa kung ganoon?”

Itinaas niya ang kanyang baba bago niya ito sinagot. “Dahil hindi ako pumapatol sa mukhang halimaw,” wika niyang diring-diri ng pakatitigan niya ang mukha nitong tadtad ng mala-garapatang tagyawat. Tulad niya’y beinte dos anyos lamang ito subalit dahil sa anyo nito’y tila matanda pa ito sa kanya ng sampung taon.

GINAW na ginaw siya ng magising siya ng madaling-araw na iyon. Hindi lang tuloy kumot ang ibinalot niya sa kanyang katawan kundi damit at lahat ng telang kanyang mahagip. Subalit nakatambak na yata sa kanya ang damit niya na nasa loob ng kanyang cabinet, hindi pa din nagbabago ang pakiramdam niya.

“Anak ng tinapa!” gigil niyang bulalas ngayon ng bukod sa panlalamig ay nakaramdam din siya ng matinding pangangati sa kanyang ulo, mukha, braso, kilikili, katawan, hita, binti, likod, leeg, talampakan, batok, pati na rin sa kanyang singit. Ang inuumpisahan niyang pag-ungol ay nauwi sa pagtili.

“Alicia, anak?” ani ng ina niya.

Kahit nakatalukbong siya ng kumot ay napadilat pa din siya ng mag-on ang ilaw ng kanyang silid.

“Ano bang nangyayari sa’yo?” tanong ngayon ng kanyang ama. “At bakit ganito ang hitsura ng kuwarto mo?”

“Lumabas ka nga riyan sa tambak. Para kang tinabunan ng santambak na basura, ah!”

“Nagiginaw ako,” reklamo niya.

Siya ay nag-iisang anak kaya’t spoiled siya sa kanyang mga magulang. Tapos na siyang magkolehiyo subalit hindi pa siya naghahanap ng trabaho. Gusto muna niya kasing mag-enjoy at mamili na lang ng boyfriend at mapapangasawa.

Ah,kapag maraming datung ang pinili niya’y talagang hindi na niya kailangang magtrabaho. Maghapon at magdamag na lamang siyang hihiga sa kamang punung-puno ng tig-iisang libo.

“Paanong giniginaw ka, eh, ang init-init ng panahon,” hindi makapaniwalang sabi ng ina niya.

E-ewan ko ho,” aniyang nangangatog.

“Hala, tingnan ko nga kung nilalagnat ka,” utos pa nito. Puno ng pag-aalala ang tinig.

Bagamat ginaw na ginaw pa din siya’y inalis niya ang telang nakatambak sa kanya at umalingawngaw ang pagtili ng kanyang Inay at sigaw ng kanyang Itay.

“Halimaw!” magkapanabay pang wika nito.

Siya man ay napatili ng pagkalakas-lakas ng makita niya ang sarili sa salamin at tokador na nakaharap sa kanyang kama.

ANG mukha niya’y punung-puno ng malalaki at mapupulang pantal na kapag kanyang kinamot ay lalong lumalaki at namamaga. Biglang naglaho ang kagandahang taglay niya.

Dahil sa hitsura niya ngayon ay hindi niya magawang makipagkita kahit kanino. Ayaw na niyang lumabas sa kanyang silid kaya’t sa loob ng isang linggo ay nagmukha siyang ermitanya. Maging sa mga magulang niya’y ayaw na niyang magpakita. Nahihiya siya sa mga ito.

Kahit naman kasi hindi magsalita ang kanyang mga magulang, alam na alam niyang halimaw ang tingin ng mga ito sa kanya ngayon. Masakit mang tanggapin pero pakiramdam niya’y kaya lamang siya labis na minahal ng kanyang mga magulang ay dahil mistula siyang prinsesa. Lalo pa’t mala-labanos ang kanyang kutis. Nagkaroon kasi ng pagkakataon ang mga itong maipagmalaki siya kahit kanino.

“Ano bang nangyari sa akin? Bakit ako nagkaganito?” naiiyak na naman niyang tanong.

“Baka naman may nakain kang kung ano kaya’t nagkaroon ka ng allergy,” nakangiwing sabi ng inay niya. Hindi maitago sa mukha nito ang pandidiri.

“Sa seafoods lang naman ako nangangati at puro manok at karne ang kinakain ko,” naghihinagpis niyang sabi. Hindi lamang sa kanyang kalagayan kundi sa pinakita nitong reaksiyon.

“Bulutong kaya iyan?”

Alam niyang ‘hindi’ ang sagot sa tanong nito kaya’t katakut-takot na pag-iling ang kanyang ginawa.

Naputol ang pag-uusap nilang mag-ina ng bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang tatay.

“May bisita ka kanina,anak,” anitong nasa mukha ang matinding panghihinayang.

Humihikbi-hikbi siya ng magtanong. “Sino ho?”

“Si Justin.”

Muli siyang napahagulgol nang iyak ng marinig ang pangalan ng isa sa pinakamasugid niyang manliligaw at pinakamayaman din. Ito ang gusto niyang sagutin.

“Hindi niya ako pwedeng makita ng ganito,” aniyang gumagaralgal ang tinig.

“Kaya nga sabi ko sa kanya’y tulog ka’t masama ang pakiramdam. Eto, bigay niya sa iyo.”

Kumalam ang tiyan niya ng iabot sa kanya ng tatay niya ang lata ng almond rocca. Hindi pa din naman kasi nasasayaran ng anumang pagkain ang bibig niya. Wala kasi siyang gana ng makita niya ang hitsura niya sa salamin.

Nang alisin niya ang ballot ng tsokolate na iyon ay muli na namang kumawala sa labi niya ang malakas na tili. Naihagis pa niya ang hawak niya pati ang buong lata. Pagkunwa’y napahagulgol siya ng iyak sabay sigaw ng, “Ipis! Ipis!”

“ANO ang pinagsasasabi mo riyan?”

Hindi niya alintana ang galit na nababanaag niya sa boses ng ama niya. Ang importante sa kanya’y mawala sa kanyang paningin ang mga ipis na iyon. Takot siya sa insektong iyon. Noon kasing bata siya’y nakagat na siya noon.

“Alicia Mae!” hiyaw ng kanyang ina.

Lalo siyang nagtitili ng bumuhos ang laman ng lata. Katakut-takot na ipis kasi ang nakita niyang lumabas doon. Kahit anong pagkalmang gawin sa kanya ng kanyang mga magulang at sabihing wala namang ipis doon ay hindi siya naniniwala. Iba naman kasi ang nakikita ng kanyang mga mata.

“Tumigil ka riyan!” anang ama niya.

Huminto siya sa kanyang kasisigaw ng makatikim siya ng sampal buhat sa kanyang Itay. Sa tanang buhay niya kasi’y ngayon lamang siya nito napagbuhatan ng kamay. Pakiramdam niya tuloy biglang naalog ang utak niya. Nagka-amnesia yata siya kaya’t saglit niyang nakalimutan ang tungkol sa mga ipis.

“Ano ba kasing problema mo, anak?” nag-aalalang tanong ngayon ng kanyang Inay.

“Ipis,” gilalas na naman niyang bulalas sabay baling sa lata ng tsokolate na nagkalat pa rin sa sahig.

“Nasaan?” galit na tanong ng kanyang Itay.

Hindi na niya nasagot ang tanong nito sapagkat wala na siyang makitang ipis. Ang naroroon ngayon sa sahig ay ang mga tsokolate. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pananakit ng ulo. Nahilo siya. Kung hindi siguro siya nahawakan ng kanyang Inay, malamang, bumagsak na siya.

“Diyos ko po. Inaapoy ka ng lagnat!” gilalas nitong wika.

May sakit siya buong araw na iyon subalit hindi siya makakain. Iba kasi ang nakikita niya kapag nakatitig siya sa mga pagkaing nakahain. Mga uod ang tingin niya sa noodles. Langgam naman ang akala niya sa kanin at daliri ng tao ang tingin niya sa langgonisa.

“Dalhin na natin sa hospital ang anak mo,” suhestiyon ng ina niya sa kanyang ama.

“Huwag!” tanggi niya. Ayaw niyang may sinumang makakaalam ng kalagayan niya lalo pa’t ang pangit-pangit niya. Sigurado niyang maraming bunganga ang magtatawa at manlalait sa kanya.

“Palagay ko hindi doktor ang kailangan natin,” anang ama niyang tila hindi nadinig ang kanyang pagtanggi. Pagkasabi noon ay tumalikod na siya at lumabas sa silid.

Pagkaraan ng kalahating oras ay kasama na nito ang albularyong si Ka Igme. “Nakukulam siya,” anang matandang lalaki pagkaraan siyang dasalan nito.

KAHIT malinaw niyang narinig ang sinabi ni Ka Igme sa kanyang mga magulang, hindi niya magawang imulat ang kanyang mga mata. Paano ba nama’y nahihiya siya rito. Isa rin kasi ito sa nabiktima ng kanyang panlalait.

Payat na payat ito at matangkad na animo kapre. Seven footer kasi ito. Hindi niya tuloy mapigilan na bansagan itong kapre. Nakaharap man ito o hindi. Wala siyang pakialam kung sintanda man ito ng lolo niya. Para sa kanya’y mga magulang at kamag-anak lamang niya ang dapat niyang igalang.

“Sino naman ang kukulam sa anak namin?” tanong ng kanyang Itay bagama’t alam niyang kumbinsido ito sa sinabi ng matandang lalaki.

Pagalit ang tinig ni Ka Igme ng sumagot. “Sa dami ng nilait ng anak ninyo, siguradong marami ang galit sa kanya.”

“Isa na kayo roon,” hindi niya napigilang sabihin ng imulat niya ang kanyang mga mata.

“Alicia!” magkapanabay na bulalas ng kanyang mga magulang.

Matagal bago kumibo ang matandang lalaki. Marahil nabigla ito sa kanyang tinuran. “Albularyo ako,” mahinahong wika nito.

“So what? May alam pa rin kayo sa…”

“Tumahimik ka na, Alicia,” buwisit na saway ng Itay niya.

Takot na siyang muling masampal nito kaya’t sinunod na niya ang ipinag-uutos nito. Sa pagtahimik niya’y hindi niya napigilan ang mag-isip. Bakit kahit mainit na mainit ang pakiramdam niya’y hindi siya nakararamdam ng panghihina. Pakiramdam niya’y punumpuno pa rin ng laman ang kanyang tiyan gayung kagabi pa siya hindi kumakain.

“Sa tingin niyo, paano mawawala ang kulam?”

Mabilis na sumagot si Ka Igme. “Manghingi siya ng tawad sa may kagagawan nito.”

“Pero sino?” tanong ng ina niya. “Alam niyo ba?”

Iling ang sinagot nito. “May suhestiyon ako.”

“Ano iyon?” anang ama niya.

“Humingi siya ng tawad sa lahat ng sinaktan niya.”

“No way!” matigas niyang sabi. Ang pumasok kasi sa isip niya’y ang kanyang kahihiyan. Pagkaraan niyang sagutin iyon bigla siyang nakaramdam ng wari’y pagbaligtad ng kanyang sikmura. Bigla naman siya ngayong nagsuka.

Mga magulang naman niya ang tumili pagkaraan. Paano’y kung anu-anong insekto ang lumabas sa kanyang bunganga.

Ipis. Lamok. Langaw. Bubuyog.

At nagliparan iyon sa kanilang paligid.

AYAW niyang habambuhay na maging miserable kaya naman kahit masakit sa kanyang pride, sinunod niya ang ipinag-uutos ng kanyang mga magulang. Iyon nga lang parang langgam ang tingin niya sa kanyang sarili.

Ang mga nilalait-lait niyang mga tao ay nasa kani-kanilang bahay kaya’t wala siyang ibang choice kundi ang lumabas sa kanyang lungga. Isa-isa niyang pinuntahan ang mga ito.

Gosh, pakiramdam niya’y gusto na niyang panawan ng buhay. Katakut-takot na kahihiyan kasi ang naramdaman niya, hindi niya tuloy mapigilan ang mapamura. Iyon nga lamang sa sarili na lamang niya masasabi iyon. Kapag kasi kasamaan ang lumalabas sa kanyang bunganga ay hindi niya magawang makapagsalita. Pakiwari niya’y na-stapler iyon.

“Bakit hindi pa ako bumabalik sa dati?” mahinahon niyang tanong kay Ka Igme. Kapag pagalit kasi ang pagtatanong niya’y nasisiguro niyang hindi rin iyon lalabas sa kanyang bunganga kaya’t minabuti na niyang magsalitang tila maamong tupa. Kahit pa sabihing pakunwari lamang iyon. Ang dibdib niya kasi ay punumpuno ng galit.

Nagdurugo rin ang puso niya ng mga sandaling iyon. Hindi kasi niya malimutan ang pagtataboy na ginawa sa kanya ni Justin ng lapitan niya ito at hingin ang pagdamay nito. Sa paningin nito’y isa na siyang halimaw ngayon.

Tulad ng pagturing niya noon kay Kardo.

Ang sakit, daing ng puso niya.

“Bukal ba sa loob mo ang paghingi ng tawad?” tanong nito.

“Oo.”

“Sinungaling!”

Isang marahas na buntunghininga ang pinawalan niya. “Ang importante lang naman ay makapag-sorry ako, di ba?”

“Iyan ang akala mo,” pagalit nitong wika.

Puro butlig ang buo niyang mukha kaya naman kahit pagkunot ng noo ay nahirapan siya. “Bakit niyo ba ginagawa ito?”

“Alin?”

“Araw-araw kayong pumupunta rito sa bahay para tingnan ang kalagayan ko. Concern ba kayo sa akin?” taka niyang tanong.

Halakhak ang itinugon nito.

“Ka Igme?” gitla niyang bulalas. Tila kasi naging demonyo ito sa kanyang paningin.

“Ang liga-ligaya ko kapag nakikita kitang naghihirap. Ang tulad mong demonyo ay dapat nang mamatay!”

Sa sinabi nito’y nanghilakbot siya ng husto!

“IKAW!” aniyang hilakbot na hilakbot. Ito ba ang kumukulam sa kanya?

“Anong ako?”

“Ikaw ang kumukulam sa akin,” aniyang takot na takot.

Nanlilisik ang mga mata nito ng sumagot. “Hindi ako kasing demonyo mo. Ninyong mga babae,” anitong bigla na lamang humagulgol.

Nagmistula itong bata ngayon sa kanyang paningin. Naglupasay sa sahig kaya’t tila ito bondying. Ang kulang na lamang dito’y damit pang-sanggol at tsupon.

Sa hitsura nito ngayo’y hindi galit ang nararamdaman niya rito kundi awa. Alam naman kasi niya kung ano ang nangyari sa buhay nito. Pinagtaksilan ito ng asawa at nagtuklasan nitong hindi nito anak ang batang limang taon nitong inaruga.

“Ang dapat sa inyo ay lipulin!”

“Hindi pare-pareho ang mga babae, Ka Igme,” aniyang hindi malaman kung paano mapapatahan ito. Naghahalo na ang luha at uhog nito sa mukha. Ang pagiging pintasera niya’y naglaho ng sandaling iyon.

“At ikaw, hindi ka ba katulad nila?” Galit nitong tanong ngayon sa kabila ng pag-iyak.

Umiling siya.

“Manloloko!”

Muli, umiling siya. “Pintasera ako pero hindi manloloko,” aniyang bigla ring napangiwi. Panloloko rin kasing matatawag na magpapakasal siya sa lalaking di niya mahal basta mayaman.

Naningkit ang mga mata nito nang muling magsalita. “Manloloko. Pintasera. Pareho lamang ninyong sinasaktan ang damdamin naming umiibig sa inyo. Nabalitaan mo ba ang nangyari kay Kardo ng gabing pintas-pintasan mo siya?”

Wala siyang ideya sa sinabi nito kaya’t nagtaka siya. Ngayon lamang sumaksak sa isipan niyang dito lamang siya hindi nakahingi ng tawad. Ayon kasi sa mga magulang niya ay umalis na ito sa bayan nila.

“Nagpakamatay siya dahil sa panlalait mo!” galit nitong wika ngayon.

“Diyos ko!” tanging nasabi niya.

“Alam mo bang galing sa Siquijor ang ina ni Kardo?”

“E, ano ngayon?” Nakuha pa niyang itanong sa kabila ng guilt na kanyang nararamdaman.

Posibleng siya ang nangkulam sa’yo,” nakangisi nitong sabi. “At dahil patay na si Kardo, imposible ng bumalik ka pa sa dati. Ganyan na ang hitsura mo, habambuhay!”

Natutop niya ang kanyang bibig sa kanyang narinig.

KUNG totoo nga ang sinabi ni Ka Igme, ibig na niyang mawalan ng pag-asa. Paano pa siya babalik sa dati niyang hitsura kung patay na ang taong may gawa noon sa kanya?

Buti nga sa’yo, parang naririnig pa niyang sabi ni Ka Igme.

Kahit anong pagsisising gawin niya ay wala na siyang magagawa pa. Halimaw na siya habambuhay. Paghagulgol na lamang ang kanyang magagawa at tunay na pagsisisi.

“Anak?” wika ng ina niya ng pumasok sa silid. “May bisita ka.”

“Sino ho?” matamlay niyang tanong.

“Justin.”

Nanakit na naman ang puso niya ng maalala niya ang pagtataboy na ginawa nito sa kanya. “Anong kailangan niya?”

“Manliligaw yata ulit.”

Nabigla siya ng labis sa sinabi ng kanyang ina kaya napabalikwas siya nang bangon. “Ano ho?” Nakatalikod siya kanina rito kaya’t ngayon lamang niya nakita ang kasiyahan na nasa mukha nito.

“May dala siyang bulaklak at tsokolate,” pagbabalita pa nito.

Shock siya kaya naman hindi na niya nakuha pang makapag-react.

“Hala, labasin mo na ang bisita mo.”

Sinunod niya ang kanyang ina.

“Hi,” bati sa kanya ni Justin ng lumabas siya ng silid. Tulad ng dati’y pormang-porma ito. Ang kaguwapuhan nito ay maikukumpara kay Aga Muhlach. Mestiso ito kaya’t tila mas bata pa ito kaysa sa tunay nitong edad na 32.

“Napadaan ka, bakit? Para insultuhin ako?”

Bumuntung-hininga ito ng napakalalim. Marahil dahil sa kalamigang maaaninag sa boses niya. “Manliligaw uli ako.”

Pagak na tawa ang kanyang pinawalan pagkaraan. “Pangit na ako.”

“Wala akong pakialam,” matigas nitong sabi.

Nasa tinig nito ang pagmamadali kaya naman nagtaka siya.

“Mahal kita.”

“Kahit na ganito ang anyo ko?” ‘di makapaniwala niyang tanong.

“Yah.”

“Sigurado ka.”

“Oo sabi, eh. Mahal mo ba ako?”

“Oo,” tuwiran niyang sabi rito.

Ngumiti ito. “Kung ganoon, magpakasal na tayo.”

“Ano?”

“Say yes.”

Hindi na siya nag-isip pa. “Oo pakakasalan kita.”

Mahal niya ito kaya’t walang humpay na ligaya ang naramdaman niya ng sumunod na araw.

“Saan ba tayo pupunta?” tanong niya rito. Sakay sila ng BMW nito.

“Magpapakasal na tayo, ‘di ba?”

“Next week.”
“Ngayon,”
anito.

“Niloloko mo ba ako?” natatawa niyang tanong.

“Mukha ba akong nagbibiro?” tanong nitong sa daan nakatingin. Kahit tuloy seryosung-seryoso ang anyo nito kanina’y ipinagpalagay na lamang niyang nagbibiro ito. Wala naman kasing nakahandang kasalan sa mansion nito.

“Surprise,” wika nito pagpasok ng sasakyan sa bakuran ng mansion.

Kasabay noon ay ang pagbabago ng paligid. Ang mansion ay naging kagubatan. Hindi niya maunawaan kung ano ang nangyari kaya’t napabaling siya kay Justin.

Napatili lamang siya ng pagkalakas-lakas ng mapagtanto niyang hindi si Justin ang nasa driver seat kundi si Kardo. (WAKAS)

No comments:

Post a Comment